Sapagkat Lahat ng Sustansiya ay Nasa Latak.

Ako si Noliver, 22, Filipino, graduate ng BS Biology, nakick-out sa Medicine, now a Law student.

Isang bituing hayok sa laman. Uhaw sa kamalayan. Tigang sa kamulatan. Malawak at malikot ang imahinasyon. Mapusok ang mga pananaw. Mapaghamon ang mga paniniwala.

Nangungusap. Nagtatanong. Namumuna. Naghahanap. Nagpapayo. Higit sa lahat, nagmamahal.
Who I Follow

May lagpas dalawang taon na rin kitang hindi nakikita. Siguro doktor ka na ngayon. Parang kailan lang lagi kang nagpapasama sa kin sa mga lakad mo. Pati na rin sa condong yon. Sa totoo lang dun talaga tayo naging malapit sa isa’t isa. Sa condong yon.

Hindi ko nga alam kung anong nagustuhan ko sa ‘yo. Wala namang ispesyal sa itsura mo. Bagamat matangkad ka at maganda ang mga ngipin, smoker ka. Mayabang ka pa. Maangas. Mataas ang tingin sa sarili. Siguro dahil nagmemed ka noong mga panahong iyon. May kaya kayo sa buhay. Matalino ka. Ikaw ang pangulo ng kataas-taasang konseho ng mga mag-aaral. At sabi mo, malakas ang sex appeal mo. Whatever.

There was a time na nagalit ka sa ‘kin dahil nagsumbong ako sa OSDS tungkol sa isang bagay na may kinalaman sa konsehong pinamamahalaan mo, pati na rin sa isang resolution. Pinanindigan ko ang ginawa ‘kong yon. Kahit na nagalit sa ‘kin ang mga alumni natin. Sakit kasi ako ng ulo ng partido natin. Masyado akong kontrabida. Hindi pumapaloob sa sentralismo. Nagkabati din tayo. Dinaan kita sa lambing. Nagpalambing ka naman.

Nagkalapit tayo dahil sa yearbook. Sa pag-aasikaso nito. Sa mga pagpunta natin sa studio at condo. Lagi kang nagpapasama. Lagi mo akong nililibre. Gusto mo laging nagtataxi. Kailangan MGE pa. Maarte ka kasi. Tuloy ang tagal natin makakuha. Kapag jeep naman gusto mo sa unahan lagi tayo sasakay. At sa mga panahong nagkakadikit ang ating mga katawan, may kakaiba akong nararamdaman. Kakaiba. Kinakabahan ako.

Minsan natulog ako sa sopa sa condo. Tinabihan mo ‘ko. Humiga ka rin. Maliit lang ang sopa. Masikip tayong dalawa. Nararamdaman ko ang init ng iyong katawan. Naamoy ko ang iyong pinaghalong  pawis at pabango. Sa ganung pagkakataon, kinakabahan na naman ako. Nakatulog ako dala ng pagod. Paggising ko wala ka na.

Nagyaya kang lumabas. Sa may Tomas-Morato. Farewell treat mo. Tapos na kasi ang termino mo. Marami kang inimbita. Nasa biyahe ka na. Tinext kitang hindi ako makakasama. Nagreply kang magtatampo ka kapag wala ako. Bumalik ka. Sinundo mo ako sa may UN Avenue. Sabay tayong pumunta sa Tomas-Morato. Inis at inip na ang mga dinatnan natin. Pinaghintay mo kasi sila nang matagal. Bakit kasi binalikan mo pa ako sa may UN, kung pwede namang itinuloy mo na lang ang biyahe. Nung pauwi, sa iba ako sumabay, nakita ko sa ‘yong mga mata nung pasakay ka na ng taxi, nagtatampo ka.

Tinulungan mo ako sa pag-aasikaso ng application ko. Marami kang pinapayo. Pagkatapos ng interview ko nagpasama ka. May sisingilin ka lang na utang. Pinagtatawanan mo ang sagot ko sa interview.

Interviewer: Bilang doktor, anung gagawin mo sa pasyenteng namatayan ng anak at nagwawala?

Ako: Kakausapin ko po at ipaliliwanag na marahil ay kagustuhan ng Panginoon ang mga nangyari.

Interviewer: Paano pag hindi pa rin tumigil?

Ako: Tuturukan ko po ng pampakalma o kaya pampatulog.

Interviewer: Susmaryosep. Bawal yan.

Ako: Ah ganun po ba? Sasabihin ko na lang po na ipagdasal namin ang kaluluwa ng baby.

Interviewer: No!The baby don’t have a soul yet. Why would you do that?

Ako: (shock) Oh Really Doc?!Babies don’t have souls yet?!

Naligaw tayo sa paghahanap nung bahay. Walanghiya ka. Nakacorporate attire ako habang naglalakad tayo sa initan. Nahanap natin ang bahay. Habang naghihintay sa labas ng bahay umupo tayo sa may jeep na nakaparada. Sa may likuran nito. Nagdikit na naman ang ating katawan. Kinabahan na naman ako.

Unang taon ko sa Medisina. Graduating ka na. Pinagbintangan ako ng isang sorority na ako ang dahilan kung bakit walang sumali sa kanila mula sa batch ‘ko. Kinausap mo ako. Dun tayo sa may likod ng Pamantasan. Habang umaambon. Pinayuhan mo ko. Sabi mo sino pa ba naman ang poprotekta sa ‘kin kundi ikaw.

Sinundan ko ang yapak mo. Nahalal ako sa pareho at dati mong puwesto. Hindi ko natapos ang termino at ang Medisina. Grumaduate ka na. Nawalan tayo ng komunikasyon sa isa’t isa mula nung mga panahong hindi mo na ako binabati pag nagkakasalubong tayo sa catwalk. Nagtampo ka kasi sa org. Nadamay ako sa tampo mo.

Kapag may meeting o review kayo sa starbucks at nandun din ako, hindi mo ako pinapansin, o nilalapitan man lang. Ni ha ni ho wala. Parang hindi tayo magkakilala. Sa totoo lang hindi ko talaga alam kung ano ba talaga ang dahilan ng lahat, ng pag-iwas, ng paglimot, ng katahimikan. Ang dami kong tanong. Ang dami kong agam-agam.

Mula noon hindi na kita nakita. Nagtampo ako sa hindi mo pagpaparamdam. Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung ano ang kahulugan ng lahat ng iyon. I am clueless. At nasaktan ako.

Namimiss na kita.

Lalo na ang pagbungisngis mo. Ang ‘yong pagiging isip-bata. Ang pagkamaharot at maligalig. Ang pag ngiti mo kasabay ng paniningkit ng yong mga mata. Alam mo bang tuwing kumakain tayo noon tinititigan kita?Alam mo bang kahit gaano kapangit ang ugali mo nagustuhan pa rin kita?

Kapag nagkasalubong tayo ulet, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon mo. Siguro, I’ll just cross the bridge when I get there.

Kailan kaya kita muling makakadaupang-PALAD?Tae ka.

  1. noliverism posted this